[Blog] [MP3 Musica] [MP3 Audiobook] [Letture Creative] [Musica Creativa]
[English] [Francais] [Deutsch] [Espanol] [Portugues] [Danish] [Esperanto] [Norwegian]
[Tagalog] [Bulgarian] [Swedish]
[Punch] [Appunti di informatica libera]
classicistranieri.com - The Mirrored Project Gutenberg eBook of Ibong Adarna, by Anonymous
This eBook is for the use of anyone anywhere at no cost and with
almost no restrictions whatsoever. You may copy it, give it away or
re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included
with this eBook or online at www.gutenberg.net
Title: Ibong Adarna
Corrido at Buhay na Pinagdaanan nang tatlong Principeng
Magcacapatid na Anac nang Haring Fernando at nang Reina
Valeriana sa Ca
Author: Anonymous
Release Date: July 1, 2005 [EBook #16157]
Language: Tagalog
Character set encoding: ISO-8859-1
*** START OF THIS PROJECT GUTENBERG EBOOK IBONG ADARNA ***
Produced by Tamiko I. Camacho, Jerome Espinosa Baladad,
Pilar Somoza and PG Distributed Proofreaders from page
scans provided by University of Michigan. Dedicated to the
three Filipino comedians Dolphy, Panchito and Babalu who
made this folklore memorable in a 1970s film adaptation.
Virgeng Ináng mariquit
Emperadora sa Langit,
tulungan po yaring isip
matutong macapagsulit.
Sa aua mo po't, talaga
Vírgeng ualang macapára,
acong hamac na oveja
hulugan nang iyong gracia.
Dila co'i iyóng talasan
pauiin ang cagarilán,
at nang mangyaring maturan
ang munting ipagsasaysay.
At sa tanang nangarito
nalilimping auditorio,
sumandaling dinguin ninyo
ang sasabihing corrido.
Na ang sabi sa historia
nang panahong una-una,
sa mundo'i nabubuhay pa
yaong daquilang monarca.
At ang caniyang esposa
yaong mariquit, na reina,
ang pangala't bansag niya
ay si doña Valeriana.
Itong hari cong tinuran
si don Fernando ang ngalan
ang caniyang tinubuan
ang Berbaniang caharian.
Ang haring sinabi co na
ay may tatlóng anác sila,
tuturan co't ibabadyá
nang inyo ngang maquilala.
Si don Pedro ang panganay
na anác nang haring mahal,
at ang icalaua naman
si don Diego ang pangalan.
Ang icatlo'i, si don Juan
ito'i siyang bunsong tunay,
parang Arao na sumilang
sa Berbaniang caharian.
Ito'i, lalong mahal baga
sa capatid na dalaua,
salang malingat sa mata
nang caniyang haring amá.
Para-parang nag-aaral
ang manga anác na mahal,
malaqui ang catouaan
nang hari nilang magulang.
Ay ano'i, nang matuto na
yaong tatlóng anác niya,
ay tinauag capagdaca
nitong daquilang monarca.
Lumapit na capagcuan
ang tatlóng príncipeng mahal,
cordero'i, siyang cabagay
nag-aantay pag-utusan.
Anáng hari ay ganitó
caya co tinauag cayó,
dito sa itatanong co
ay sabihin ang totoó.
Linoob nang Dios Amá
na cayo'i, nangatuto na,
mili cayó sa dalaua
magpare ó magcorona.
Ang sagót nila at saysay
sa hari nilang magulang,
capua ibig magtangan
nang corona't, cetrong mahal.
Nang itó ay maringig na
nang haring canilang amá,
pinaturuan na sila
na humauac nang espada.
Sa Dios na calooban
sa canilang pag-aaral,
di nalao'i, natutuhan
ang sa armas ay pagtangan.
Ito'i, lisanin co muna
yaong pagcatuto nila,
at ang aquing ipagbadyá
itong daquilang monarca.
Nang isang gabing tahimic
itong hari'i, na-iidlip,
capagdaca'i, nanaguinip
sa hihigán niyang banig.
At ang bungang panaguimpan
nitong hari cong tinuran,
ang anác na si don Juan
pinag lilo at pinatay.
Ang dalauang tampalasang
sa caniya ay pumatáy,
inihulog at iniuan
sa balón na calaliman.
Sa pananaguinip bagá
nitong mahal na monarca,
nagbangon capagcaraca
sa hihigán niyang cama.
At hindi nanga na-idlip
sa malaqui niyang hapis,
sa hirap na masasapit
niyong bunsong ini-ibig.
Ito ang niyang dahilán
nang sa bungang panaguimpan
tuloy ipinagcaramdam
at sa banig ay naratay.
Nagpatauag nanga rito
marurunong na médico,
dili masabi cun anó
ang saquit nang haring itó.
Sa gayong carami bagá
medicong tinauag nila,
ay ualang macapagbadyá
sa saquít na dinadalá.
Ay mayroon namang isá
na bagong cararating pa,
siyang nagpahayag bagá
saquit nang bunying alteza.
Ang damdam mo haring mahal
ay galing sa panaguimpán,
sa iyo'i, aquing tuturan
ang iyo pong cagamutan.
May isang ibong maganda
ang pangalan ay Adarna,
cun marinig mong magcantá
ang saquít mo'i, guiguinhaua.
Sa Tabor na cabunducan
ang siyang quinalalaguian,
cahoy na hinahapunan
Piedras Platas ang pangalan.
Cun arao ay uala roon
itong encantadang ibon,
sa iba sumasalilong
at nagpapaui nang gutom.
Cun gabing catahimican
ualang malay ang sino man,
ay siyang pag-oui lamang
sa Tabor na cabunducan.
Cayá mahal na monarca
yao'i, siyang ipacuha,
gagaling pong ualang sala
ang saquít mong dinadalá.
Nang sa haring mapaquingan
ang caniyang cagamutan,
capagdaca'i, inutusan
ang anác niyang panganay.
Si D. Pedro'i, tumalima
sa utos nang haring amá,
iguinayác capagdaca
cabayong sasac-yán niya.
Yao nanga't, lumacad na
cabunducan ang pinuntá,
at hahanaping talagá,
mahal na ibong Adarna.
Mahiguit na tatlong buan
paglacad niya sa párang,
at hindi nga maalaman
ang Tabor na cabunducan.
May dinatnang landás siya
mataas na pasalungá,
tumahan capagcaraca
itong príncipeng masiglá.
Sa masamáng capalaran
sa Dios na calooban,
nang dumating sa ibabao
cabayo niya'i, namatáy.
Di anong magagaua pa
uala nang masac-yán siya,
ang bastimento'i, quinuha
at lumacad capagdaca.
Sa Dios na calooban
na sa tanong bininyagan,
dumating siyang mahusay
sa Tabor na cabunducan.
May cahoy siyang naquita
na tantong caaya-aya,
sa caagapay na ibá
siyang tangi sa lahat na.
Ang daho'i, sacdal nang inam
para-parang cumiquinang,
diamante'i, siyang cabagay
sa mata'i, nacasisilao.
Ang naisipan nga niya
sa loob at ala-ala,
doon na tumiguil bagá
itong príncipeng masiglá.
Ang nasoc sa calooban
ang cahoy na ito'i, siyang
marahil hinahapunan
nang ibong cong pinag-lacbay.
Ay ano'i, nang gagabi na
ang Arao ay lulubóg na,
madláng ibo'i, narito na
at manga cauan ang ibá.
Sa gayóng daming nagdaan
ualang dumápo isa man,
naguló ang gunam-gunam
nitong príncipeng timtiman.
Ganitong diquit na cahoy
ualáng ibong humahapon,
aco'i, dito nalingatong
paghihintay cong malaon.
Ang nasoc sa ala-ala
sa loob niyang mag-isá,
ang siya ay magpahingá
at búcas lumacad siya.
Humilig nanga't, sumandal
doon sa cahoy na mahal,
sa malaquing capaguran
siya'i, tambing nagulaylay.
Ay ano'i, nang tahimic na
ang gabí ay lumalim na,
siya nangang pagdating na
niyong ibong encantada.
Dumapo na siyang agad
sa cahoy na Piedras Platás,
balahibo ay nangulág
pinalitán niyang agad.
At capagdaca'i, nagcantá
itong ibong encantada,
ang tinig ay sabihin pa
tantong caliga-ligaya.
Ang príncipe ay hindi na
nacaringig nang pagcantá,
pagtúlog ay sabihin pa
himbing na ualang capara.
Ang sa ibong ugali na
cun matapos na magcantá,
ay siyang pag-táe niya
at matutulog pagdaca.
Sa masamáng capalaran
ang príncipe'i, natai-an,
ay naguing bató ngang tunay
ang catauan niyang mahal.
Di anong magágaua pa
nang siya'i, maguing bató na,
paghihintay sabihin pa
nang haring caniyang amá.
At nang maguing isang-taon na
hindi dumarating bagá,
inutusan capagdaca
si don Diegong pangalauá.
Sumunód at di sumuay
sa hari niyang magulang,
iguinayác capagcuan
cabayo niyang sasac-yán.
Pagca-handa'i, lumacad na
cabunducan ang tinumpá,
at hahanapin nga niya
ang bunying ibong Adarna.
Mahiguit sa limang buan
nag-lacad niya sa párang,
hindi naman maalaman
ang Tabor na cabunducan.
Nang siya ay dumating na,
sa daan na pasalunga,
nagtuloy at umahon na
itong príncipeng masiglá.
Sa masamáng capalaran
nang dumating sa ibabao,
nabual nanga't, namatay
ang cabayong sinasac-yán.
Di anong magagaua pa
sa cabayong namatay na,
ang báon niya'i, quinuha
at lumacad capagdaca.
Nang siya'i, dumating naman
sa Tabor na cabunducan,
may cahoy siyang dinatnan
diquít ay di ano lamang.
Nang caniyang mapagmalas
ang cahoy Piedras Platas,
ang dahon ay cumiquintáb
diquít ay ualang catulad.
Ang nasoc sa ala-ala
nitong príncipeng magandá,
cahoy na caaya-aya
hapunán niyong Adarna.
Sa puno nang cahoy baga
may bató siyang naquita,
cristal ang siyang capara
nacauiuili sa matá.
Doon niya napagmalas
ang cahoy na Piedras Platas
ang balát ay guintóng uagás
anaqui'i, may piedrerías.
Sa toua niya't, ligaya
sa cahoy niyang naquita,
oras nang á las cinco na
madlang ibo'i, nagdaan na.
Sa gayong daming nagdaan
manga ibong cauan-cauan,
ualang dumapo isa man
sa cahoy niyang namasdan.
Ganitong diquit na cahoy
ualang ibong humahapon,
ito'i, di co mapagnoynoy
cahalimbaua co'i, ulól.
Ang cahoy na caagapay
mayroong ibong nagdaan,
ito'i, siyang tangi lamang
bucód na hindi dapuan.
Cahit anong casapitan
ay hindi co tutugutan,
na cun anong cabagayán
sa cahoy na gaua't, laláng.
Ay ano'i, nang lumalim na
ang gabí ay tahimic na,
doon sa batóng naquita
ay nangublí capagdaca.
Ay ano'i, caalam-alam
sa caniyang paghihintay,
siya na nganing pagdatál
nang ibong Adarnang mahal.
Dumapo na nganing agád
sa cahoy na Piedras Platas,
at naghusay nangang caguiat
balahibong sadyang dilág.
Sa príncipeng napagmasdan
ang sa ibong cariquitan,
icao ngayo'i, pasasaan
na di sa aquin nang camay.
Ay nang macapaghusay na
itong ibong encantada,
ay siya nangang pagcantá
tantong caliga-ligaya.
Sa príncipenapaquingan
ang voces na sadyang inam,
capagdaca'i, nagulay-lay
sa caniyang pagcasandal.
Sino cayang di maidlip
sa gayong tinig nang voces,
cun marinig nang may saquít
ay gagaling siyang pilit.
Macapitong hintó bagá,
ang caniyang pagcacantá,
pitó naman ang hichura
balahibong maquiquita.
Nang matapos nganing lahat
yaong pitóng pagcocoplas,
ay tumáe namang agad
itong ibong sadyang dilág.
Sa casam-ang capalaran
si don Diego ay natai-an,
ay naguing bató rin naman
cay don Pedro'i, naagapay.
Di anong magagaua pa
nang siya'i, maguing bató na,
paghihintay sabihin pa
nang haring caniyang amá.
Hindi niya mautusan
ang anác na si don Juan,
at di ibig mahiualay
cahit susumandalí man.
Si don Jua'i, naghihintay
na siya ay pag-utusan,
aayao tauaguin naman
nang hari niyang magulang.
Siya nanga'i, nagcusa na
dumulog sa haring amá,
nag-uica capagcaraca
nang ganitong parirala,
Aco po'i, pahintulutan
nang haring aquing magulang,
aco ang quiquita naman
nang iyo pong cagamutan.
Ngayon ay tatlóng taón na
hindi dumarating bagá,
ang capatid cong dalaua
saquít mo po'i, malubha na.
Ang sagót nang haring mahal
bunsóng anác co don Juan
cun icao ay mahiualay
lalo co pang camatayan.
Mapait sa puso't, dibdib
iyang gayác mo't, pag-alís,
hininga co'i, mapapatid
cun icao'i, di co masilip.
Isinagót ni don Juan
ó haring aquing magulang,
sa loob co po'i, masucal
mamasdan quitang may damdam.
Cundi mo pahintulutan
ang aquing pagpapaalam,
ay di mo mamamalayan
ang pag-alis co't, pagpanao.
Sa uinicang ito naman
ang hari ay natiguilan,
at segurong magtatanan
ang príncipeng si don Juan.
Lumuhod na capagdaca
sa haráp nang haring amá,
bendición po'i, igauad na
siya cong maguing sandata.
Capagdaca'i, guinauaran
at siya'i, binendicionan,
at sa reinang iná naman
ay lumuhód capagcuan.
Ay ano'i, nang matapos na
na mabendicionan siya,
ay nagtindig capagdaca
itong príncipeng masiglá.
Ang despensa ay binucsán
nuha nang limang tinapay,
siyang babaunin lamang
sa talagang parurunan.
Di sumacay sa cabayo
nag-lacad nangang totoo,
ang príncipe nganing itó
cabunducan ang tinungo.
Doon sa paglacad niya
ualang tauong naquiquita,
paratí sa ala-ala
ang Vírgen Santa María.
Cung mahustong isang buan
paglacad niya sa parang,
ay siyang pagcain lamang
nang isang baong tinapay.
Sa isang buan ang isa
nang pagcaing muli niya,
parang nagpepenitencia
nang sa ibon ay pagquita.
Madai't, salita naman
at di co na pahabaan,
ay naguing apat na buan
pag-lacad niya sa parang.
Sa aua nang Vírgen Iná
cay don Juan de Berbania,
ay dumating capagdaca
sa daan na pasalunga.
Nang sa príncipeng matignan
taas niyong cabunducan,
lumuhód siya't, nagdasál
sa Vírgeng Ináng marangal.
Aco'i, iyong caauaan
Vírgeng calinis-linisan,
at aquin ding matagalán
itong mataas na daan.
Nang siya'i, matapos naman
pagtauag sa Vírgeng mahal,
nuha nang isang tinapay
at cumain capagcuan.
Sa limang tinapay bagá
na baon niyang talaga,
iisa na ang natira
na pangpauing gutom niya.
Nang matapos nang pagcain
sumalunga siyang tambing,
sa aua nang Ináng Vírgeng
ualang hirap na dinating.
Nang dumating sa ibabao
ang príncipeng si don Juan,
doo'i, caniyang dinatnán
isang leprosong sugatán.
Anitong leproso't, badyá
maguinoó po aniya,
na cun may baon cang dalá
aco po'i, limosán mo na.
Sa Dios po alang-alang
aco'i, iyong cahabagán,
cun gumaling ang catauan
ay aquin ding babayaran.
Isinagot ni don Juan
aco nga'i, mayroong taglay,
natirang isang tinapay
na aquing baon sa daan.
Dinucot na capagdaca
yaong tinapay na isa,
caniyang ibinigay na
sa leproso na naquita.
Anitong matanda't, saysay
pasasaan ca don Juan,
sabihin mo't, iyong turan
ang layon mo't, iyong pacay.
Anang príncipe at badyá
ganito po'i, maquinig ca,
sasabihin cong lahat na
ang sadya cong quiniquita.
Ang ama co'i, may damdam
sa banig ay nararatay,
ang ibong Adarna lamang
ang caniyang cagamutan.
Bucód dito ang isa pa
ngayon ay tatlóng taón na,
na hindi co naquiquita
ang capatid cong dalauá.
Anitong leproso bagá
don Juan maghihirap ca,
at sa pagca't, encantada
yaon ngang ibong Adarna.
Nguni't, ngayon ang bilin co
ay itanim sa pusó mo.
at nang hindi sapitin mo
na icáo ay maguing bató.
Sa iyong paglalacad diyan
ay may cahoy na daratnan,
diquít ay di ano lamang
cauili-uiling titigan.
Doo', huag tumiguil ca
na sa cariquitan niya,
totoong ualang pagsala
don Jua'i, mamamatay ca.
Sa ibaba'i, tumanao ca
may bahay cang maquiquita
ang magtuturo ay siya
doon sa ibong Adarna.
Yaring limos mong tinapay
ay cunin mo na don Juan,
nang may canin ca sa daan
sa láyo nang paroroonan.
Anitong príncipe't, badyá
ugali pagcabata na,
na cun mailimos co na
ay di co na quinucuha.
Pinipilit na ibigay
ang limos niyang tinapay,
umalis na si don Juan
siya'i, hindi pinaquingan.
Sa mahusay na pag-lacad
nitóng príncipeng marilág,
sumapit siyang liualas
sa cahoy na Piedras Platas.
Nang maquita ni don Juan
yaong cahoy na malabay,
loob niya'i, natiguilan
sa gayon ngang cariquitan.
Naualá sa ala-ala
yaóng bilin sa caniya,
parang naencanto siya
sa cahoy niyang naquita.
Sa caniyang pagmamalas
sa dahong nagsisiquintáb,
gayon din naman ang lahat
na anaqui'i, guintóng uagás.
Ay ano'i, caguinsa-guinsá
na sa panonoód niya,
ay parang pinucao bagá
ang caniyang ala-ala.
Tinutóp nanga ang noó
at nag uica nang ganito,
abá at nalimutan co
yaóng bilin nang leproso.
Sa ibabá'i, tumingin siya
ay may bahay ngang naquita,
lumacad na capagdaca
itóng príncipeng masiglá.
Nang dumating sa hagdanan
napatano capagconan,
capagdaca ay dumungao
isang ermitañong mahal.
Pinapanhic na sa bahay
ang príncipeng si don Juan,
at ang ermitaño naman
ang pagcai'i, inilagay.
Umupo na sa lamesa
nagsalo silang dalaua,
ay sa príncipeng naquita
tinapay na limos niya.
At nag-uica capagdaca
sa loob niyang mag-isa,
itong tinapay cong dalá
ay baquit narito baga.
Yaóng aquing linimosán
leprosong gagapang-gapang,
sacá dito'i, ibá naman
ermitaño ang may tangan.
Ngayo'i, hindi maisip co
sa Dios itong secreto,
anaqui'i, si Jesucristo
ang mahal na ermitaño.
Nang matapos ang pagcain
ermitaño ay nagturing,
don Jua'i, iyong sabihin
cun anong sadyá sa aquin.
Isinagot ni don Juan
sa ermitañong marangal,
gayon po'i, iyong paquingan
at aquing ipagsasaysay.
Ang sadyá co po aniya
dahil sa ibong Adarna,
igagamót na talagá
sa hari pong aquing amá.
Ang sagot nang ermitaño
don Juan iyang hanap mo,
maghihirap cang totoo
at ang ibo'i, encantado.
Isinagót niya naman
cahit aquing icamatáy,
ituro mo po ang lugar
at aquing paroroonan.
Ang sagot nang ermitaño
don Jua'i, maquiquita co,
na cun bagá nga totoó
ang pagsunód sa amá mo.
Ang cahoy mong naraanan
cauili-uiling pagmasdan,
yaon ang siyang hapunán
nang ibon mong pinapacay.
Na cun siya'i, dumating na
sa cahoy ay magcacantá,
at ang gabi'i, malalim na
ualang malay cahit isá.
At cun yao'i, matapos na
nang caniyang pagcacantá,
pitó naman ang hichura
balahibong maquiquita.
Ay nang iyong matagalán
pitóng cantang maiinam,
quita ngayon ay bibiguian
nang maguiguing cagamutan.
Naito at iyong cuha
pitóng dayap at navaja,
ito'i, siyang gamót bagá
na sa ibong encantada.
Balang isang cantá naman
ang catauan mo'i, sugatan,
at sa dayap iyong pigán
nang di mo macatulugan.
At cun ito'i, matapos na
nang macapitóng pagcantá,
ay siyang pagtáe niya
don Juan ay umilag ca.
Capag icao'i, tinamaan
nang táe nang ibong hirang,
maguiguing bató cang tunay
doon ca na mamamatáy.
Naito'i, cunin mo naman
ang cintas na guintong lantay,
pagca-hauac ay talian
at gapusin mong matibay.
Caya bunsó hayo ca na
at ang gabi'i, malalim na,
at malapit nanga bagá
dumating yaóng Adarna.
Yáo nanga si don Juan
sa Tabor na cabunducan,
at caniyang aabangan
ang ibong pinag-lalacbay.
Nang siya'i, dumating na
sa puno nang cahoy bagá
doon na hinintay niya
yaon ngang ibong Adarna.
Ay ano'i, caalam-alam
sa caniyang ipaghihintay,
ay siyang pagdating naman
niyaong ibong sadyang mahal.
Capagdaca ay naghusay
balahibo sa catauan,
ang cantá'i, pinag-iinam
cauili-uiling paquingan.
Naghusay namang mulí pa
itong ibong encantada,
umulit siyang nagcantá
tantong caliga-ligaya.
Nang sa príncipeng marinig
yaóng matinig na voces,
ay doon sa pagca-tindig
tila siya'i, maiidlip.
Quinuha na capagdaca
ang dala niyang navaja,
at caniyang hiniua na
ang caliuang camay niya.
Saca pinigán nang dáyap
nitong príncipeng marilág,
cun ang ibon ay magcoplas
ay nauaualá ang antác.
Di co na ipagsasaysay
pitóng cantáng maiinam,
at ang aquin namang turan
sa príncipeng cahirapan.
Pitóng cantá'i, nang mautás
nitong ibong sacdal dilág,
pitó rin naman ang hilas
cay don Juang naguing sugat.
Ay ano'i, nang matapos na
ang caniyang pagcacantá,
ay tumáe capagdaca
ito ngang ibong Adarna.
Ang príncipeng si don Juan
inailag ang catauán,
hindí siya tinamaan
para nang unang nagdaan.
Siya nangang pagtúlog na
nitong ibong encantada,
ang pacpac ay nacabucá
dilát ang dalauang matá.
Nang sa príncipeng matátap
nagtahan nang pagcocoplas,
umac-yat na siyang agad
sa cahoy na Piedras Platas.
Nang caniya ngang maquita
ang pacpac ay nacabucá,
dilát ang dalauang mata
nilapitang capagdaca.
Agad niyang sinungabán
sa paa'i, agad tinangnan,
guinapos niyang matibay
nang cintas na guintong lantáy.
At bumabá nanga rito
ang príncipeng sinabi co,
itong ibong encantado
dinalá, sa ermitaño.
Sa ermitañong quinuha
mahal na ibong Adarna,
inilagay nanga niya
sa mariquit na jaula.
Ang uica nang ermitaño
itong bangá ay dalhin mo,
madalí ca at sundin mo
ang ipinag-úutos co.
Muha ca nang tubig naman
dalauang bató ay busan,
nang sila ay magsilitao
manga capatid mong hirang.
Si don Jua'i, lumacad na
ang banga'i, caniyang dala,
sumaloc nang tubig siya.
at ang bató'i, binusan na.
Si don Pedro'i, ang nauna
na siyang nabusan niya,
lumitao capagcaraca
at hindi namamatay pa.
Umuling sumaloc naman
si don Diego ang binusan,
nagquita silang mahusay
at hindi pa namamatay.
Malaquing pasasalamat
nang magcapatid na liyag,
ualá silang maibayad
cay don Juang manga hirap.
Sila'i, agad napatungo
sa bahay nang ermitaño,
at naghain nanga rito
pinacain silang tatló.
Ay ano'i, nang matapos na
nang pagcain sa lamesa,
capagdaca ay quinuha
garrafang may lamáng lana.
At caniyang pinahiran
yaong sugat ni don Juan,
gumalíng agad nabahao
at ualang bacás munti man.
Nag-uica ang ermitaño
mangagsi-ouí na cayó
magcasundó cayong tatló
at huag ding may mag-lilo.
Don Juan ay cunin mo na
iyang mariquit na jaula,
baca di datning buháy pa
ang monarcang iyong amá.
Bago umalis at nanao
ang príncipeng si don Juan,
ay lumuhód sa harapan
nang ermitañong marangal.
Napabendición nga muna
at saca sila'i, nalis na,
si don Pedro ay nagbadyá
cay don Diegong bunso niya.
Si don Juan ay magaling pa
hindí mahihiyá siya,
at siya ang nacacuha
nito ngang ibong Adarna.
Ang mabuti ngayon naman
ang gauin nating paraan,
patayin ta si don Juan,
sa guitna nang cabunducan.
Si don Diego ay nag-uica
iya'i, masamang acala,
ang búhay ay mauaualá
nang bunsóng caaua-aua.
Ani don Pedro at saysay
cun gayon ang carampatan,
umuguin ta ang catauan
at saca siya ay iuan.
Ito ang minagaling na
sa loob nilang dalaua,
ang cataua'i, inumog na
nang bunsong capatid nila.
Di anong casasapitan
nang pagtulungan sa daan,
ay di nanga macagaláo
ang príncipeng si don Juan.
Quinuha na capagdaca
ang dalá nga niyang jaula,
nang dalaua't, omoui na
doon so reinong Berbania.
Nang sila'i, dumating na
sa canilang haring amá
ang ibong canilang dalá
nangulugó capagdaca.
Itinanong si don Juan.
nang hari nilang magulang,
sagót nang dalauá naman
di po namin naalaman.
Nang ito'i, maringig na
ang sabi nilang dalauá,
ang saquít ay lumubhá pa
nitong daquilang monarca.
Saca ang ibong marilág
balahibo'i, nangu-ngulág,
di magpaquita nang dilág
sa haring quinacaharap.
Ang uica nang hari bagá
itó ang ibong Adarna,
anong samá nang hichura
sa ibong capua niyá.
Ang sinabi nang medico
na ito rao ibong itó,
ay may pitóng balahibo
na tantong maquiquita mo.
At cun ito ay magcantá
lubhang caliga-ligaya,
ngayo'i, nangasaan bagá,
at di niya ipaquita.
Hindi pa nga nagcacantá
itong ibong encantada,
at sapagca nga uala pa
ang cumuha sa caniya.
Ito'i, aquing pabayaan
ang di niya pagsasaysay,
at ang aquing pagbalicán
ang príncipeng si don Juan.
Ano ang casasapitan
nang umuguin ang catauan,
hindi naman macagapang
sa guitna nang cabunducan.
Di anong magagauá pa
nang di macaquilos siya,
ang nasoc sa ala-ala
tumauag sa Vírgeng Iná.
Aniya'i, ó Vírgeng mahal
anó cayang naisipan,
manga capatid cong hirang
at aco'i, pinag-liluhan.
Ang boo cong ala-ala
caming tatlo'i, tiuasáy na,
mahusay na maquiquita
mahal naming haring amá.
O bacá pa caya naman
ay sa ibon ang dahilan,
at caya pinahirapan
sila ang ibig magtangan.
Cun sinabi nila sana
ang maghauac na ay sila,
yao'i, gaano na bagá
di ibigay sa canila.
Cayo naua'i, pagpalain
nang Dios at Ináng Vírgen,
gaua ninyong di magaling
ang guinhaua'i, siyang datnin.
Nagpanibagong nangusap
ang príncipeng na sa hirap,
ó Vírgeng Ináng marilág
amponin mo di man dapat.
Aco'i, iyong calarahin
cay Jesús Anác mong guilio,
magdalita't, patauarin
sa manga gaua cong linsil.
At doon sa oras naman
cun aco ma'i, mama matáy,
caloloua co'i, hugasan
nang caniyang dugóng mahal,
Ay anó'i, caguinsa-guinsa
sa pananalangin niya,
isang matanda'i, eto na
at nag-uica capagdaca.
Don Juan ay pagtiisan
ang madla mong cahirapan,
di na malalaong arao
guinhaua'i, iyong cacamtan.
Ang cataua'i, hinipo na
at hinilot nanga siya,
gumaling na capagdaca
at siya'i, nacatindig na.
Hayo't, lacad na don Juan
moui ca sa caharian,
di pa gumagaling naman
ang haring iyong magulang.
Lumacad na at umalis
itong príncipeng mariquít,
lagay ay cahapis-hapis
damit pa ay punit-punit.
Nang dumating nga siya
sa palacio'i, nagtuloy na,
sa haráp nang haring amá
at lumuhód capagdaca.
Ang hari'i, di macagalao
sa catre niyang hihigan,
at di naquiquilalang tunay
ang anác na minamahal.
Ay sa uala ring magbadyá
na magsabi sa caniya,
ang ibong na sa jaula
ay nangusap capagdaca.
Namayagpág at naghusay
nag-linis na nang catauán,
balahibo'i, pinalitao
anaquin ay guintong tunay.
At nagcantá nang ganitó
abá haring don Fernando,
quilalanin mo ngang totoó
ang naninicluhod sa iyo.
Iyan ang bunsó mong anác
si don Juan ang pamagát,
na nagdalita nang hirap
sa utos mo ay tumupad.
Yaong anác mong dalaua
na inutusang nauna,
anoma'i, ualang nacuha
at sila'i, naguing bató pa.
Nang ito ay masabi na
tumaha't, nagbago muna,
balahibong icalauá
na mariquit sa nauna.
Saca muling nagpahayág
abá haring sacdal dilág,
paquingán di man dapat
yaong cay don Juang hirap.
Ang bunsóng anác monghirang
nagtiis nang cahirapan,
at siyang nag-alís naman
batóng balot sa catauan.
Nang masabi nanga itó
naghaliling panibago,
nang balahibong icatló
na capua esmaltado.
At nag-uica nang ganito
mahal na hari'i, dinguin mo,
nagsi-oui silang tatló
sa bahay nang ermitaño.
Sila nga ay piniguing pa
pinacain sa lamesa,
pinangaralan pa sila
anác ang siyang capara.
Nang ito'i, maipahayag
naghalili namang agád,
nang balahibong icaapat
diamante'i, siyang catulad.
Nang macacain na naman
itong ermitañong mahal,
madlang sugat ni don Juan
pinagaling niyang tanan.
Nang ito'i, masabi na
tumaha't, naghalili pa,
balahibong icalimá
cahalimbaua'i, tumbaga.
Nangsila'i lumacad naman
sa bundóc at caparangan,
si don Pedro ay nagsaysay
na patayin si don Juan.
Si don Diego'i, sumansala
yao'i, masamang acala,
sa búhay na mauauala
ni don Juang ating mutya.
Nang ito'i, maipagturing
nitong ibong nagniningning,
naghalili siyang tambing
balahibong icaanim.
Ito'i, lalong cariquitan
sa icalimang nagdaan,
mahal na hari paquingán
cay don Juang cahirapan.
Ay ang pinagcaisahan
nang dalauang tampalasan,
ay umuguin ang catauan
sa guitna nang caparangan.
Nang hindi macagalao
ang príncipeng si don Juan,
capagdaca ay iniuan
aco'i, canilang tinagláy.
Nang masabi nanga itó
naghaliling panibago
balahibong icapitó
na anaqui ay carbungco.
Ito'i, siyang catapusán
mahal na hari'i, paquingán,
pinagdaanang cahirapan
nang bunsó mong si don Juan.
Sa malaquing auang lubós
nang Vírgeng Iná nang Dios,
isang matanda'i, dumulóg
at siya'i, tambing guinamót.
Hinipo na ang catauán
at pinag-ayos ang lagay,
nacatindig na mahusay
itong príncipeng si don Juan.
Caya co di ipaquita
ang mariquit na hichura,
ay hindi dumarating pa
ang sa aquin ay cumuha.
Ang isa pa haring mahal
ang anác mong si don Juan,
siya mo pong pamanahan
nitong iyong caharian.
Nang ito'i, masabi na
nitóng ibong encantada,
tumahán na nang pagcantá
hindi na naringig niya.
Ang saquít na dinaramdam
nang haring aquing tinuran,
parang nagdahilán lamang
at gumaling ang catauán.
Ang haring si don Fernando
tinipon na ang consejo,
at pinaghuntahan dito
si don Pedro't, si don Diego.
Sa guinauang caliluhán
sa capatid nilang hirang,
cun ano ang catampatang
parusang dapat ibigay.
Ang sagot nang calahatán
destierro'i, ang carampatan,
nang huag silang mapisan
sa príncipeng cay don Juan.
Nang cay don Juang matatap
ang hatol na iguinauad,
siya ay nagdalang habág
sa capatid niyang liyág.
Lumapit capagcaraca
sa harap nang haring amá,
dinguin nang vuestra alteza
ang aquing ipagbabadyá.
Alang alang sa corona
at hauac na cetro niya,
huag nang biguiang parusa
ang capatid cong dalauá.
Cun sila'i, ipadalá man
sa malayong caharian,
di co mababatang tunay
na hindi paroroonan.
Caya haring aming amá
patauarin na po sila,
sa Dios ito'i, talagá
ang guinaua nilang sala.
Ang di magpatauad naman
sa guinauáng casalanan,
ay di rin naman cacamtán
ang gloria sa calangitán.
Nang sa haring maunaua
yaóng cay don Juang uica,
pinatauad alipala
yaóng dalauang cuhilá.
Nagsamang nuling mahusay
doon sa palacio real,
ang hari nag-uica naman
sa tatlóng anác na hirang.
Cayong tatló'i, halinhinan
sa ibong co'i, magbabantay,
ang magpaualáng sino man
macacapalit ang búhay.
Sa cahabaan nang arao
nang canilang pagbabantay,
di mauala sa gunam-gunam
cay don Pedrong cainguitan.
Ang guinaua nilang laláng
ang dalaua'i, magsasabáy,
saca hahalili naman
ang príncipeng si don Juan.
Ay nang isang gabí bagá
ang ora'i, á las doce na,
guinising na nang dalaua
ang bunsóng capatid nila.
Si don Juan ang nagbantay
niyaong gabing calaliman,
nang magmamadaling arao
siya'i, agad nagulaylay.
Ang cay don Pedrong nilaláng
linapitang dahan-dahan,
yaong jaula at binucsan
ang ibon ay pinaualán.
At saca nga umalis na
na nag-ualang quibó siya,
ay niyong mag uumaga
si don Jua'i, naguising na.
Ano'i, nang caniyang maquita
na ang ibon ay uala na,
sinidlán nang tacot siya
sa mahal na haring amá.
Ito'i, sucat na pagmasdan
nang anác na sino pa man,
sinong di matacot naman
sa castigo nang magulang.
Sa malaquing tacot niya
sa búhay na macucuha,
nagtaanan capagdaca
at siya'i, umalis na.
Nguni aquin munang lisan
ang pag-alis ni don Juan
at ang aquing ipagsaysay
ang hari niyang magulang.
Nang siya ay maguising na
nagtuloy nanga sa jaula,
ang pintó ay nacabucá
at ang ibon ay uala na.
Capagdaca ay tinauag
ang caniyang tatlóng anác,
ang dalauang lilo't, sucáb
siyang lumapit na agád.
Itinanong capagcuan
ang ibon cung napasaan,
sagót ni don Pedro't, saysay
si don Juan ang nagbantay.
Ang nagpauala po'i, siya
doon sa ibong Adarna,
at cun cami ngang dalauá
huag mo pong biguiang sála.
Ang uica nang haring mahal
ay hanapin si don Juan,
at nang aquing maalaman
cun sinong may casalanan.
Yáo nanga't, lumacad na
magcapatid na dalauá,
cabunducan ang pinunta
si don Jua'i, quiniquita.
Ito'i, aquing pabayaan
na pag-lalacad sa párang,
ang aquing ipagsaysay
ang principeng si don Juan.
Doon naghinahán siya
sa bundóc niyong Armenia,
tantong caliga-ligaya
sa tanang bundóc na ibá.
Ang cahoy sa caparangan
cauili-uiling pagmasdan,
ang damó'i, gayón din naman
sadyáng nangagdiriquitan.
Ipagparito co muna
magcapatid na dalauá,
ang paghanap sabihin pa
cay don Juang bunsó nila.
Sa mabuting capalaran
sa Dios na calooban,
canilang napatunguhan
ang Armeniang cabunducan.
Doon nga nila naquita
ang bunsóng capatid nila,
si don Diego'i, nag-uica na
nang ganitong parirala.
Cun dalhín ta si don Juan
sa Berbaniang caharian,
quita ang parurusahan
nang haring ating magulang.
Ngayo'i, lalong mabuti pa
tayong tatló'i, magsasama,
at huag nating ipaquita
sa mahal na haring amá.
Doon nga tumahan sila
tatlóng magcapatid bagá,
ang tuá ay sabihin pa
sa cabunducang Armenia.
Ay ano'i, caguinsa-guinsa
isang balón ang naquita,
ibig ni don Juan bagá
ang lalim mataróc niya.
May lúbid nga sa ibabao
ang balón nilang dinatnán,
ay nag-uica si don Juan
acó ay inyong talian.
Sumagót nga si don Diego
aco'i, matanda sa iyo,
ang ihulog muna'i, aco,
ang lalim nang matantó co.
Si don Pedro'i, nagpahayag
aco'i, matanda sa lahat,
aco ang siyang marapát
na sa baló'i, sumiyasat.
At capag aquing tinangtáng
ang lúbid na iyong tangan,
hilahin ninyo pagcuan
nang aco'i, mapaibabao.
Tinalian nanga siya
inahulog capagdaca,
tatlong puóng dipa bagá.
ang siyang sinapit niya.
Sa malaquing catacután
ang lúbid agad tinangtáng,
hinila na sa ibabao
nang dalauang nagtatangan.
At tinanong nanga nila
cun ano bagang naquita,
paquingan ninyong dalauá
ang aquing ipagbabadyá.
Ang balón cong nilusungan
di co mataróc ang hangán,
dilím na di ano lamang
aco ay nahintacutan.
Ani don Diego naman
acó ang inyóng talian,
at nang aquing maalaman
ang sa balóng cahanganan.
Tinalian capagdaca
at siya'i, inihulog na
tatatló pa lamang dipá
ang siyang sinapit niya.
Sa malaquing tacot bagá
ang lubid ay tinangtáng na,
sa ibabao ay hinila
nang capatid na dalauá.
Ani don Juan at saysay
sa amin ay iyong turan,
cun inabót mo ang hangán
nang balón mong linusungan.
Sagót ni don Diego naman
di co masapit ang hangan,
at sa lubhang cadilimán
loob co'i, nahintacutan.
Ani don Juan at turing
aco ang taliang tambing,
at aquing sisiyasatin
itóng balóng sacdal dilím.
Tinalian capagdaca
ang bunsóng capatid nila,
sa baló'i, inihulog na
nang capatid na dalaua.
Ang sa historia ngang saysay
na sa balóng calaliman,
mahiguit sa isang daan
na dipá ang casucatán.
Nang siya nga'i, dumating na
sa fondo nang balón bagá,
ay quinalág capagdaca
ang lubid na tali niya.
Lumacad na capagcuan
ang príncipeng si don Juan,
isang pintó ang binucsán
pumasoc na nagtuluyan.
May isang campong maluang
doo'i, caniyang dinatnán,
linis ay ualang cabagay
nang lupang tinatapacan.
Ang sari-saring bulaclac
naroo't, namamacetas,
diquít ay ualang catulad
bangó'i, humahalimuyac.
Doon sa pag-libot niya
sa macetas at sampaga,
may bahay siyang naquita
diquít ay ualang capara.
Tumauag na capagcuan
ang príncipeng si don Juan,
siya naman ay dinungao
nang princesang na sa bahay.
Nang maquita'i, binati na
ang mariquit na princesa,
bibiguiang arao na maganda
poon nang tanang sampaga.
Anang princesa'i, ganito
salamat naman sa iyo,
namamangha ang loob co
nang iyong pagcaparito.
Sagót nang príncipe't, uica
abá mariquit na tala,
pagcaparito co'i, bigla
dalá nang sintang gahasa.
Inalipád sa itaas
nang malabay niyang pacpac,
saca po caringat dingat
sa harapan mo'i, lumagpác.
Caya mahal na diosa
huag cang mag-ala-ala,
sa Dios ito'i, talagá
tangáp ang hain cong sinta.
Ang sagot ni doña Juana
na cun may tapang cang dalá
magtulóy na pumanhic ca
at dini mag-usap quita.
Pumanhic na capagcuan
ang príncipeng si don Juan,
at nuha nang silla naman
ang dalaua'i, nag-agapay.
Ang uica nang princesa
doon sa hain mong sinta,
malaqui cong ala-ala
sa loob bagáng mag-isa.
Saan quita ilalagay
na iyong pagtataguan,
at baca icao ay datnan
nang giganteng tampalasan.
Yaong lilo at cuhilá
sa aqu'i, nag-aalaga,
malaqui co ngayong aua
sa buhay mong mauauala.
Isinagót ni don Juan
ualin mo sa gunam-gunam
at hamac sa aquing camáy
ang giganteng tampalasan.
Sa pag-uusap nila
nang príncipe at princesa,
siya nangang pagdating na
nang giganteng palamara.
Sa hagdan nang dumating na
tinauag si doña Juana,
amóy manusia aniya
dito'i, may tauo cang ibá.
Si don Jua'i, sumagót nga
anong dami mong usisa,
aco ang siyang nagsadyá
sa princesa mong alagá.
Anitong gigante naman
malaqui cong catuaan,
mayroon acong dinatnan
na sucat cong icabuhay.
Isinagót ni don Juan
yao'i, sucat mong asahan,
cun aco'i, iyong mapatay
pagsil-in ang aquing bangcay.
Anang gigante at badyá
cun gayon ay lalaban ca,
hinauacan capagdaca
ang espada't, naghamoc na.
Sa mabuting capalaran
sa Dios na calooban,
ay napatay ni don Juan
ang giganteng tampalasan.
Anang príncipe at badyá
ó mariquit na princesa,
anong hinihintay mo pa
at di pa umalis quita.
Ang sagót ni doña Juana
may lumbay rin acong dalá,
at aquing maiiuan pa
bunsó cong si Leonora.
Nariyan sa cabila naman
ang siyang quinalalaguian,
may alilang nagtatangan
isang serpienteng matapang.
Ani don Juang masiglá
dito ay iiuan quita,
at paroroonan siya
capatid mong Leonora.
Lumacad na nagtuluyan
itong príncipeng matapang,
doon sa icalauang bahay
sa mata'i, nacasisilao.
Ang hagda'y, gintong lantay
cauili-uiling titigan,
na cun sa lupang ibabao
ualang catulad cabagay.
Napatauo capagdaca
itong príncipeng masiglá,
siya namang pagdungao na
nang princesa Leonora.
Nang cay don Juang maquita
ang cariquitan at ganda,
ito'i, lumalo aniya
doon cay doña Juana.
Big-yan nang Dios na mahal
niyong pong magandang arao,
sagot nang princesa naman
ay capua maquinabang.
Nguni aco'i, namamangha
ó príncipeng daraquila,
lugar na ito'i, lihim nga
ay baquin mo naunaua.
Isinagót ni don Juan
ay abá palabang Buan,
paquinga't, aquing tuturan
ang sa aquin ay nagtaglay.
Isang bungang panaguimpan
sa pagtulog co'i, pumucao,
ang catulad co't, cabagay
ang isang pinag-ulapan.
Ang sa bungang tulog co nga
na pumucao sa pag-higa,
sa ilalim nitong lupa
ay mayroong isang tála.
At sa aquing pangangarap
aco'i, agád inalipad,
camuc-há'i, ibong may pacpác
dito aco inilagpac.
Hindi co nga máalaman
itó pong lihim na lugar,
sa Dios na calooban
cun caya po natutuhan.
Cayá mahal na princesa
huag cang mag-ala-ala,
ang Dios ang may talagá
cayá tangáp yaring sintá.
Sagót nang princesa't, sulit
magtulóy ca pong pumanhíc,
at nang iyo pong mabatid
handóg mong sintá sa dibdib.
Pumanhíc na capagdaca
itong príncipeng masiglá,
sa silla ay umupó na
nag-usap silang dalauá.
Isinagót ni Leonora
tungcól sa alay mong sintá,
malaquí cong ala-ala
serpiente'i, cun dumating na.
Saan quitá ilalagáy
na sucat mong pagtaguan,
nang hindi ca maamuyan
niyong lilo't, tampalasan.
Sagót nang príncipe't, badyá
huag cang mag-ala-ala,
ang bahala ay acó na
sa tacsíl at palamara.
Ano ay caguinsa-guinsa
ang lúpa ay umugong na,
siyang pagdating pagdaca
nang serpienteng palamara.
Sa hagdana'i, lumapit na
tinauag na si Leonora,
amóy manusia aniya
dito'i, may tauo cang ibá.
Sumagót si don Juan
sa serpienteng tampalasan,
yaring espada cong tagláy
aalis nang iyong búhay.
Anang serpiente'i, ganitó
iyan ang siyang hanap co,
ualang pagsalang totoó
icao ay bibihaguin co.
Ano pa nga at nag-laban
ang capua lacas, tapang,
ang príncipe'i, di tamaán
nang serpienteng tampalasan.
Ang isang catacá-tacá
sa tacsíl at palamara,
ang úlo'i, cun mapútol na
naniniquit na mulí pa.
Nang maguing tatlóng oras na
ang canilang pagbabaca,
cay don Juan ay nagbadyá
ang tacsíl at palamara.
Quita ay magpahingaláy
nitóng ating pag-lalaban,
napa-ayon si don Juan
sa serpienteng tampalasan.
Sa príncipeng pagcalagay
sa bintanang tapat naman,
ang princesa ay dumungao
at siya ay tinauagan.
Don Juan ay abutín mo
itóng mahal na bálsamo,
at siyang ibubuhos mo
sa mapupútol na úlo.
Ang balang úlong mapugay
cahit siya'i, lumucsó man
cun ma agád mong mabusan,
di mauulí sa lagay.
Quinuha na capagdaca
ang mahal na balsamera,
at mulíng naghamoc sila
nang serpienteng palamara.
Nang maputol na ang anim
na úlo nang lilo't, tacsíl,
at di na mauling tambing
cagalitan ay sabihin.
Lalo nga ang cagalitan
dito sa princesang mahal,
at biniguian si don Juan
nang bálsamong cagamutan.
Anang serpiente at badyá
dini sa úlo cong isá,
na ngayo'i, natitirá pa
sa búhay ninyo'i, cucuha.
Ang dalaua'i, nagsagupa
umulit silang nagbangá,
ang úlong natitirá nga
nalaglág agád sa lúpa.
Capagdaca ay binusan
nang bálsamo ni don Juan,
siya nangang pagcamatáy
nang serpienteng tampalasan.
Ani don Juan at badyá
ó mariquit na princesa,
anong hinihintáy mo pa
at hindi umalís quitá.
Sa pagmamadaling tunay
nang princesang matimtiman,
ang lobo niyang aliuan
ang na-isucbit na lamang.
Diamanteng singsing niya
ay naiuan sa lamesa,
nagsi-alis nanga sila
dalauang magcasi't, sintá.
At canilang dinaanan
si doña Juanang marangal,
ang tatló'i, nalis naman
at sa lúbid nagtuluyan.
Nang sila ay dumating na
sa lúbid na laan bagá,
sila ay nangagtáli na
at hinila capagdaca.
Nang dumating sa ibabao
ang tatló'i, magcacasabáy,
si don Diego ay nagsaysay
narito na si don Juan.
Cay don Pedrong maquita
mariquit na Leonora,
tinablán agád nang sintá
púso niya't, ala-ala.
Niyong sila'i, aalis na
at oouí sa Berbania,
ay nangusap capagdaca
ang princesa Leonora.
O don Juang aquing búhay
ay aquing nacalimutan,
ang singsing cong minamahal
sa lamesa ay naiuan.
Anang príncipe at badyá
cayo'i, maghintay aniya
at aquing cucunin muna
yaong singsing nang princesa.
Ani doña Leonora
huag na guilio co't, sintá,
cun paroon cang mag-isá
malaqui cong ala-ala.
Ang uinica ni don Juan
yao'i, masamáng maiuan,
aquin ngang pagbabalicán
at aco'i, nahihinayang.
Sa hindi ngani mapiguil
itong príncipeng butihin,
ay nagtali nangang tambing
lumusong na magtuloy rin.
Nang mayroong sampóng dipá
ang lúbid na nahugos na,
ay pinatíd capagdaca
ni don Pedrong palamara.
Di anong casasapitan
sa gayong lalim na hucay,
gauang capanganyayaan
capatid na tampalasan.
Nang maquita nang princesa
guinauá sa casi't, sintá,
halos manao ang hininga
sa baló'i, tatalóng sadyá.
Agád siyang hinauacan
ni don Pedrong tampalasan,
aanhin mo si don Juan
aco'i, narito rin naman.
Ang nasoc sa ala-ala
nang hindi bitiuan siya,
ang lobong aliuan niya
caniyang paualán bagá.
Quinuha na sa sucbitan
at inihulog sa húcay,
nguni't, bago binitiuan
caniyang pinagbilinan.
Cun nasactan si don Juan
gamutin mo capagcuan,
siya'i, aquing hinihintay
sa caniyang caharian.
Umalis at lumacad na
magcapatid na dalaua,
sampong dalauang princesa
ina-oui sa Berbania.
Atin munang pabayaan
ang paglalacad sa parang,
at ang aquing ipagsaysay
ang hari nilang magulang.
Yaón ang napanaguimpán
nang haring Fernandong mahal
ang anác na si don Juan
pinag-lilo at pinatáy.
Ito'i, lisanin cong agád
na sa haring napangarap,
at ang aquing ipahayág
ang apat na naglalacád.
Nang sila'i, dumating na
doon sa reinong Berbania,
sa palacio'i, nagtuloy na
humarap sa haring amá.
Lumuhód na sa harapán
nang amá nilang magulang,
canilang ipinagsaysay
lahat nang pinagdaanan.
Si don Juan po'i, hindi na
na amin siyang naquita,
itong dalauáng princesa
ang siya naming nacuha.
At sa lupang calaliman
doon namin nasumpungán,
may alagang nagtatangan
gigante't, serpienteng hunghang.
Cami ay naquipagbaca
at lumaban sa canila,
nang manga-patáy pagdaca
manga princesa'i, dinalá.
Nang ito'i, mapaquingan
nang hari nilang magulang,
di hamac ang catauaán
at sila'i, benendicionan.
Itong hari'i, may tuá man
sa manga princesang tagláy,
malaqui ring calumbayan
sa anác na cay don Juan.
Nagsitindig capagdaca
capua tinanong sila,
na cun alin sa dalauá
ang maguiguing asaua.
Sumagót na capagcuan
si don Pedrong tampalasa't,
tinuro sa haring mahal
si Leonorang timtiman.
Itong mahal na princesa
lumuhód capagcaraca,
dinguin nang vuestra alteza
ang aquing ipagbabadyá.
Aco po ay palugalán
manga pitong taón lamang,
saca aco pacacasal
sa anác mong minamahal.
Aco'i, biguian mong tambing
nang isang silid na lihim,
at doon co tutuparin
ang panata cong gagauin.
Nang ito ay mapaquingan
nitong haring matimtiman,
caniyang ipinaayunan
sa princesang cahingian.
Inilagay nangang tambing
sa isang silid na lihim,
at doon nga gaganapin
ang panata niyang hiling.
Si don Diego't, doña Juana
iquinasal capagdaca,
catuaa'i, sabihin pa
boong reino nang Berbania.
Ay ano'i, nang matapos na
siyam na arao na fiesta,
caguluha'i, payapa na
nitóng daquilang monarca.
Aquing ipagbalic naman
sa lobong pinacaualán,
nang maquita si don Juan
manga lamóg ang catauán.
Ang guinaua capagdaca
nitong lobong encantada,
guinamót pinag-ayos na
catauáng caaya-aya.
Ano'i, nang gumaling naman
at siya nga'i, macagalao,
ang lobo'i, nuha pagcuan
nang tatlong botellang hirang.
Dalaua'i, tali sa paá
cagát sa bibig ang isa,
saca umalis pagdaca
itong lobong encantada.
Nagtulóy na capagcuan
doon sa ilog nang jordán,
nagcataóng nalilibang
yaong manga nagbabantay.
Isinaloc nanga niya
ang daláng tatlóng botella,
at lumipád capagdaca
ito ngang lobong masiglá.
Hinabol na capagcuan
niyong tanang nagbabantay,
ang lobo'i, napailanláng
at di nila inabutan.
Nang ito'i, dumating naman
sa príncipeng cay don Juan,
ang ulo'i, agad binusan
tuloy hangang talampacan.
Nang siya nga ay mabusan
tubig na galing sa jordan,
nagbango't, lumacás naman
itong príncipeng marangal.
Quinuha na niyang tambing
diamanteng naiuang singsing,
sa aua nang Ináng Vírgen
lobo ang nagparaan din.
Si don Jua'i, quinasihan
nang Dios na Poong mahal,
nacaahong matiuasáy
sa balóng quinalalag-yan.
Ang nasoc sa calooban
nitong príncipeng timtiman,
moui siyang magtuluyan
sa caniyang caharian.
Sa pag-lacad ni don Juan
sa bundóc at caparangan,
nagdamdam nang capagalan
sa tinding sicat nang Arao.
Sa isang puno nang cahoy
na malaqui't, mayamung mong
siya roon ay sumilong
at humilig naman tuloy.
Sa calamigan nang hangin
at tantong caalio-alio,
ay agad nang nagupiling
itong príncipeng butihin.
Ano ay caguinsa-guinsa
doon sa pagtulog niya,
siya nangang pagdating na
mahal na ibong Adarna.
At sa tapat ni don Juan
sa cahoy na sinilungan,
namayagpag at naghusay
balahibo sa catauán.
At saca siya nagcantá
nang tantong caaya-aya,
don Juan magbangon na
sa tulog mo'i, gumising ca,
Sa voces na mataguinting
siya'i, agad na náguising,
at pinaquingang magaling
ang sa ibong pagtuturing.
Malaquí mong ala-ala
sa princesa Leonora,
may lalo pa sa caniya
nang cariquitan at ganda.
Malayo nga rito lamang
ang caniyang caharian,
at malapit siyang tunay
sa sinisicatan nang Arao.
Na cun siya mong macuha
at iyong mapangasaua,
dito sa mundo'i, pang-una
sa cariquitan at ganda.
Yaong tatlong princesa
sa haring Salermong bunga,
si doña María Blanca,
ang matandá sa dalaua.
Sunód si doña Isabel
parang maningning na garing,
si doña Juana'i, gayon din
ang tala'i, siyang cahambing.
Hayo lacad na don Juan
sa reino nang de los Cristal,
ipagcacapuri mo naman
sa haring iyong magulang.
Nang ito ay maringig na
nitóng príncipeng masiglá.
naualá sa loob niya
ang princesa Leonora.
Lumacad na nagtuluyan
ang príncipeng si don Juan,
caniyang pinatunguhan
sinisicatan nang Arao.
Aquing lisanin na muna
yaong pag-lalacad niya,
at ang aquing ipagbadyá
ang princesa Leonora.
Arao, gabi'i, tumatangis
sa quinalalaguian'i silid,
ang caniyang sinasambit,
si don Juang sintá't, ibig.
Cun caya humingi aco
nang pitóng taóng término,
si don Juan ang hintay co
caya nagtitiis dito.
Na cun hindi ca binuhay
nang lobo cong pinaualán,
caloloua mo man lamang
aco'y paqui-usapan.
Ito'i, itiguil co muna
pananaghoy nang princesa,
at ang aquing ipagbadyá
si don Juan de Berbania.
Tatlóng taóng ualang culang
ang pag-lalacad sa párang,
hindi niya maalaman
ang reino nang de los Cristal.
Sa malaquing capalaran
nang príncipeng si don Juan,
ay nasalubong sa daan
ang isang matandang mahal.
Anang príncipe at badyá
núno'i, magdalang áua ca
na cun may baon cang dalá
aco'i, limusan po niya.
Sagót nang matanda naman
mayroon nga acong taglay,
munting duróg na tinapay
quinacain co sa daan.
Narito't, cumuha ca na
at nang huag magutom ca,
nang cay don Juang maquita
ay nasuclám bagá siya.
Ang tinapay ay maitim
ang isa pa ay bucbúquin,
sa malas niya at tingin
nacasusuclám na canin.
Sa malaquing cagutuman
nang príncipeng si don Juan,
nuha nang munti lamang
at para bagang titicmán.